top of page

Tusok dito Tusok doon, Sawsaw dito sawsaw doon. Hiwagang Bumabalot sa Street Food

 

Isinulat ni: Shenna Kate Torres

    Sa aking pamamalagi sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas mayroon akong isang bagay na palaging napapansin. Isang bagay na kung saan patok na patok sa bawat estudyante. Isang bagay na nagiging daan para maitawid ng bawat indibidwal ang gutom na kanilang nararamdaman at isang bagay na siyang nagbibigay hanapbuhay na rin sa nakakarami. Kahit saan ka tumingin, kaliwa o kanan, ay talaga namang mapapansin mo ito, sabayan mo pa ng nakakahalina nitong bango. Ang bagay na aking tinutukoy ay ang tinatawag ng mga Pilipino na “street food”. Halina at ating tuklasin ang hiwagang bumabalot sa pagkain ito at kung bakit nga ba siya naging tanyag at naging bahagi na nang buhay ng bawat Pilipino.

      Ang street food ay isang uri ng pagkaing kadalasang itinitinda sa gilid ng kalye o sa mga pampublikong lugar tulad ng paaralan, simbahan o palengke. Ilan sa mga patok na street food ay kwek-kwek, balot, fishball, adidas, isaw at napakarami pang iba. Isang pagkain na itinuturing mura ngunit pasok sa bawat panlasa ng tao. Mapabata man o mapamatanda ay talaga namang nahuhumaling dito.

    Sinasabi nila na hindi ka tunay na Pilipino o hindi mo pa matutuklasan ang kultura ng mga Pilipino kung hindi ka pa raw nakakatikim ng balot, isa sa mga halimbawa ng street food. Ang balot ay isang nilagang itlog ng itik na naglalaman ng sisiw na 17 na araw ang gulang pa lamang. Ngunit paano nga ba natin na nasasabi na ang pagkain ng street food ay siyang kakabit na ng ating kultura?

      Ayon sa artikulo ni Fernandez (1994), marahil isa sa mga pinag-ugatan ng pagtangkilik natin sa street food ay ang ating notasyon sa konseptong ng komunidad. Kung saan sa mga pang-agrikultural na komunidad noon ay mayroong nosyon ng pagsalo-salo o pakikipagtulungan sa bawat myembro ng komunidad. Kaya naman upang magpasalamat at tumanaw ng utang ng loob, ang mga pamilya noon ay hindi lamang nakakulong sa isang angkan bagkus, ang pamilya noon ay matatagpuan sa buong komunidad. Dahil dito ang mga kainan ay madalas gawin sa labas ng tahanan o sa kalsada. Dito nagsasalo-salo ang lahat upang kumain, maglaro at magdiwang. Mahihinuha natin dito na noon pa man ay mahilig at komportable nang tunay ang mga Pilipino sa pagkain sa labas ng kanilang tahanan.

 

     Sa kabuuan nakakamanghang isipin na ang isang pagkaing kalye na ating kinagigiliwan araw-araw ay siya rin palang nag-ugat sa ating kultura at kasaysayan. Isang alagad ng sining na rin maituturing kung saan nagkakaroon tayo ng isang natatangi, maganda at masayang karanasan sa pagkain nito. Tulad na rin sa natutunan ko sa klase na ang isang bagay ay maituturing mo na “art” kung ito ay nagugustuhan o pasok sa panlasa ng mamamayan. At higit natin mahihinuha rito ay ang street food ay isang manipestasyon ng pagiging malikhain at maparaang tunay ng mga Pilipino maging pagdating sa pagkain. Ating tandaan na minsan hindi lamang sa mahahaling presyo o kainan natin matitikman ang tunay na sarap ng isang pagkain bagkus minsan ay matitikman lamang natin ito sa tabi tabi.

References:

Fernandez, D. (1994). Tikim: essays on Philippine food and culture. Pasig,

    Metro Manila, Philippines: Anvil Pub.

bottom of page