top of page

Ang Mundo ng Teatro: Isang Mapanuring Pagsusuri

Isinulat ni: Shenna Kate Torres

"Ang sining ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa paghubog ng kamalayan ng kaisipan ng bawat tao"

      Sa loob ng 38 na taon, ang Dulaang UP ay kilala sa paggawa at pagpapalabas ng mga dekalidad na palabas. Nagsilbi rin itong tulay sa bawat artist na nais ipahiwatig at ilabas ang kanilang kagalingan at dedikasyon sa larangan ng teatro at pag-arte. At sa pagbubukas ng bagong taon ng Dulaang UP, inihahandog nila sa manonood ang una nilang dula na pinamagatang Adarna.

       Ang Ibong Adarna ay isang kilalang korido na isinulat pa noong panahon na sakupin tayo ng Kastila at siyang naging bahagi na nang ating sining at panitikan. Ito ay tungkol sa storya ng isang prinsipe na nagngangalang Don Juan, isa sa tatlong anak na prinsipe ni Don Fernando, na tumungo sa isang paglalakbay upang hanapin ang mahiwagang ibon na Adarna. Ang ibon ay pinaniniwalaan na magbibigay lunas sa malubhang karamdaman ng kanya ama na si Don Fernando. Ang dula ay isang storya tungkol sa isang pamilya, paano nagbibigay pagmamahal ang isang pamilya, at ano ang mga posibleng problema at kapahamakan ang maaaring kaharapin ng isang pamilya.

       Sa mga panahon na aking napanood ang dula masasabi kong magaling at pinag-isapang mabuti ang pagkakagawa at pagpapalabas sa dulang ito. Ang isang makasaysayan at lumang kwento ay nagawa nilang i-angkop sa kasalukuyang panahon, biinigyan nila ng bagong bihis ang storya.

 

     Una simulan natin sa mga aktor ng dula. Ang mga nagpasiganap sa dula ay masasabi mong napakagagaling sapagkat maayos at mahusay nilang nagampanan ang bawat karakter ng buong-buo tila ba sila ang mga tunay na mga tauhan ng storya. Mapapansin mo rin na kuhang kuha nila ang bawat atensyon ng manonood sa pamamagitan ng mahusay nilang paggamit ng kanilang emosyon sa pag-arte. At higit sa lahat kahit sa loob ng mahigit dalawang oras nilang pagpapalabas ay hindi mo sila kakikitaan ng pagkahapo bagkus kakikitaan mo pa rin sila ng kasiglahan.

 

    Pangalawa ay ang “props” o disenyo na kanilang ginamit sa palabas. Sa una inakala ko na walang silbi ang ginamit nila na disensyo sapagkat puro lamang ito papel na hiniwa hiwa at tila walang dating sa mga manonood. Ngunit noong magsimula na ang dula ay makikita mo ang tunay na kagandahan ng mga ito, simple kung titignan ngunit kung susuurin ay napaka-elegante pala ng dating nito. Pinaghirapan at mabusisi ang pagkakahiwa sa mga disensyo nito na talaga namang umaakma sa nais iparating ng kwento.

      Pangatlo at panghuli ay ang tema ng dula. Ang aakalain mong pagpapalabas sa isang lumang kwento ng mga Pilipino ay siya palang isang palabas na may importanteng mensahe sa manonood nito, lalong lalo na sa mga panahong ito. Tunay na nakakamangha na maraming kahulugan at aral pala ang nais iparating ng dula. Una sa mga ito ay kung ating iisipin, ang ating bansa ay kakatapos lamang sa panahong naghalal muli tayo ng mga bagong pinuno ng ating bayan. At kasabay rin nito ang mga panibagong posibilidad at problema na maaaring mangyayari sa ating bansa tulad ng mga hiwaga na siyang kinaharap ni Don Juan sa kaniyang paglalakbay.

      Isa pa na mapapansin natin sa kwento ay sinabihan ni Donya Maria Blanca si Don Juan na pag-isipang mabuti kung sino ang maaaring niyang maging tunay na kakampi at kaaway sa buhay. Tulad sa buhay ng isang mamamayang Pilipino na kinakailangan nating maging mapanuri sa ating kapwa at lalong lalo na sa sistema ng ating gobyerno, huwag tayong basta basta magpaniwala sa mga animo’y ganda at bango na kanilang ipatutupad sa atin, nararapat na pag-isipang mabuti ang lahat ng bagay sa mundong ito nang hindi tayo maloko at maging isang sunud-sunuran lamang. Nararapat na bilang isang mamamayan ay maging bukas palagi at ating mata at isipan.

 

      At ang pinakamahalagang mensaheng na iniwan ng kwento sa mga manonood bago matapos ang dula ay ang isang habilin ni Don Fernando. Sinabi ni Don Fernando na iniiwan na niya ang kaniyang korona sa bawat isa sa atin na maaaring maging pinuno ng bayan. Nawa’y isa itong paalala at hiling na ang sana raw na mamumuno sa bansang ito ay isang taong may busilak na puso, isang pinuno na gagampanan ang kaniyang tungkulin at responsibilidad para sa ikagaganda ng bayang ito.

 

     Sa kabuuan ng palabas, masasabi kong napakaraming emosyon, saloobin at mensahe ang aking naramdaman at nalaman. Isa lamang ito sa mga patunay na ang sining ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa paghubog ng kamalayan ng kaisipan ng bawat tao. Isang kamalayan tungkol sa realidad at posibilidad na maaaring natin kaharapin sa mundong ito. Ang sining din ay isang instrumento upang buuin ang sarili nating katauhan lalong lalo na sa ating bansa mula sa ating mga ninuno, matapos sakupin ng mga dayuhan at sa kasalukuyang panahon. Ngunit higit sa lahat, nasa atin pa rin naman ang desisyon kung papaano natin tatanggapin at isasabuhay ang bawat mensahe na nais iparating ng sining sa atin. Ang sining ay isa lamang instrumento na magbibigay paalala at gabay sa atin sa mga bagay sa mundong ito.

References:

'Adarna' opens Dulaang UP's new season. (n.d.). Inquirer Lifestyle. Retrieved March 25, 2014,  

     from http://lifestyle.inquirer.net/106209/adarna-opens-dulaang-ups-new-season

Dulaang UP's 'Adarna'–a familiar legend rendered suddenly quite unfamiliar. (n.d.). Inquirer

    Lifestyle. Retrieved March 20, 2014, from http://lifestyle.inquirer.net/117855/dulaang-ups-

    adarna-a-familiar-legend-rendered-suddenly-quite-unfamiliar

bottom of page